SUBSCRIBE FOR EMAILS
ADDRESS

+63 (2) 824-9191

 

24 Calcutta Street

Merville Park, Paranaque City 1709

PHILIPPINES

 

st.matthew@rcj.org

 As a pontifical clerical religious Institute, founded by St. Hannibal Mary Di Francia (1851-1927), the Congregation of the Rogationists of the Heart of Jesus (RCJ) finds its spirituality in the words of Jesus in the Gospel “The harvest is rich but the workers are few. Pray, therefore, the Lord of the harvest that He may send workers into His harvest" (Mt.9:37-38/Lk.10:2).

ABOUT US

© 2017 by the Rogationist Fathers in the Philippines

St. Francis Xavier and

St. Hannibal Mary Di Francia Parish

Parang, Bagac, Bataan

Ang Parang ay isang mataas at mahabang kaparangan na nasa sugpuan ng dalawang bundok, ito’y mayaman at sagana sa likas na yaman. Dahilan sa balitang kagandahan at kasagaanan ng lugar na ito, ang mga tao sa ibat - ibang dako ay  naganyak na  makipagsapalaran at gumawa ng tirahan sa pook na ito, na karamihan sa mga ito ay ang mga Batangueño at Caviteño.

Pagkalipas ng ilan pang taon, dumating ang panahon ng pag-aani at bilang pasasalamat sa Poong Maykapal napagkaisahan ng mga katandaan sa pangunguna ng pamilya nina Paulino Atienza, Mauro Dimaranan, Nicolas Ala, Miguel Rue at iba pa na magkaroon ng Patron Pintakasi. Ang kanilangan napiling Patron ay si San Francisco de Javier na siya Patron din sa pinaggalingan nilang pook sa Halang Amadeo, Cavite. Ang kauna-unahang imahen ni San Francisco ay nabili pa sa Pampanga sa halagang walong piso, na naipon mula sa kagandahang loob at tulong ng mga mananampalataya ng Parang.

Dahil dito, kinakailangang magtayo ng kapilya para sa kanyang imahen kaya ang mga katandaan at ang mga kabataan ay tulong tulong sa pagbabalangkas ng isang “TUKLONG” o maliit na bisita para sa Patron. Ang tuklong ay itinayo sa tapat ng mababang Paaralan ng Parang. Ito ay yari sa sawali at yero.

At Noong ika 3 ng Disyembre 1949 naganap ang unang Misa sa Kapistahan ng Parang na siya ring Kaarawan ng Patrong si San Francisco de Javier, sa pangunguna ni Reb Padre Joel Pineda, ang  kura paroko ng Bagac na siyang nakakasakop sa baryong Parang.

Mula noon hanggang ngayon ay walang sawa at masayang pinaghahandaan ang pagdiriwang ng kapistahan ni San Francisco Javier.

At ngayon, sa unang pagkakataon pagkatapos ng mahabang panahon, at dahil na rin sa di inanaasahang pangyayari - ang kamatayan ni Padre Diego Buscio ang unang Rogasyonistang Misyonero dito sa Parang, ay muli natin makakaisa ang mga Rogasyonista sa Pagdiriwang ng Kapistahan ng ating  Patron.

ANG KASAYSAYAN NI FR. DIEGO BUSCIO, RCJ SA PAROKYA NI SAN FRANCISCO JAVIER

Si  FR. DIEGO ay ipinanganak sa PEZZAZE, BRESCIA, ITALY noong ika – 9 ng Hulyo, 1949.  Noong sila ni  FR. VITO ay dumating sa Diyosesis ng Bataan sila ay  pansamantalang tumira sa bahay nina MR. & MRS. SIOSON sa Balanga.  Paminsan – minsan ay nagpupunta na si  FR. DIEGO dito sa Parang, nakikita na lamang siya ng mga tao na nakatayo sa harap ng simbahan.  Noong panahong iyon ay maraming MORMONS na naglalakad dito sa Parang, kaya’t siya ay napagkamalang Mormons ng mga taga rito.  Isang araw na siya ay bumisita ulit sa Parang ay nakita niya si Mrs. Sy na nagtuturo ng katesismo sa mga bata sa loob ng simbahan. Lumapit si FR. DIEGO  sa kanya at nagpakilala na siya ay isang Rogationist Priest, nagbigay siya ng mga istampita sa mga bata at sinabi niya kay Mrs. Sy na “Someday I will be here in your Parish.”

At hindi nga nagtagal si FR. DIEGO at FR. VITO ay ipinadala ng Kgg. na Obispo Celso Guevarra dito sa Parang.  Sila ay tumira muna sa bahay ni Donya Rica, di kalayuan sa simbahan.  Araw-araw ay nagkakaroon na ng mga misa sa Parang, nagkaroon ng buhay ang kapaligiran ng Parang lalo na ang mga bata.  Nakikipaglaro si Fr. Diego sa mga bata, sumasalo siya sa pagkain, kaya ang mga bata ay natutong magsimba, masyado siyang magiliwin sa mga bata, kaya naman nasabi niya na:  THE ANGELS IN HEAVEN ARE THE FILIPINOS AND MOST ESPECIALLY THE CHILDREN OF PARANG.”

Si Fr. Diego ay masyadong relihiyoso, palagi namin siyang nakikita sa harap ng Blessed Sacrament.  Minsan  sinabi niya na sana daw ay magkaroon sila ng kahit isang maliit na kumbento.  Nagkaroon ng pagpupulong at sa pagtutulungan ng mga kalalakihan ng Parang ay nakapagpagawa ng isang kumbento na medyo maayos.  Masaya si Fr. Diego at Fr. Vito sa piling ng mga taga Parang kahit na hindi pa sila marunong magsalita ng Tagalog.  Noong panahong iyon ay palagi pa rin silang nagpupunta sa Balanga para magbigay ng recollection sa mga eskuwelahan.  Hindi nagtagal ay nagpupunta na rin si Fr. Diego sa mga barangay na nasasakupan ng Parokya kasama ang mga Choir, na noon ay siyam (9) lamang.  Sila ay sina  Demy, Milet, Beth, Edith, Ann, Resie, Em at Amy.  Umaabot sila hanggang Tanato at Dangcol, naglalakad lamang sila sa pagpunta sa mga barangay.  Nagpupunta na rin si Fr. Diego sa mga eskuwelahan at minsan ay nagpahanap na siya ng magtuturo sa kanya ng Tagalog.  Noong una ay si Ms. Somy Flores ang nagturo sa kanya ngunit hindi nagtagal ay si Ate Gorie  na ang nagturo sa kanya ng salitang Tagalog.

Minsan sa aming paglalakad ay nabanggit niya na gusto niyang magpagawa ng isang malaki at magandang simbahan, isang eskuwelahan at hospital para sa mga mahihirap.  Pero ang uunahin niya ay ang tubig sapagkat noong panahong iyon ay napakahirap ng tubig dito sa Parang.  Sa bundok pa nanggagaling ang tubig, susulatan  daw niya ang Mama niya at ilang mga kaibigan sa Italy para matupad lahat ang kanyang mga pangarap.  Maghahanap muna daw siya ng lupang pagtatayuan ng mga gusaling kanyang pinapangarap.  Simula noong sinabi niya ang mga pangarap na ito ay palagi na siyang lumuluwas para magsimulang maghanap ng mahihingan ng tulong.  Isang araw na galing siya ng Maynila sinabi niya kay Mrs. Sy na kung mamatay daw siya ay “sunugin ang kanyang bangkay at isabog sa dagat” kahit sa mga kaibigan niyang guro dito sa Parang ay sinasabi niya ito.   

Dumaan ang maraming araw at pare-pareho kaming naging abala sa aming pang-araw-araw na buhay.  Palagi pa rin niyang sinasabi ang kanyang mga pangarap para sa Parang sa tuwing kami ay magkakaroon ng panahong magkita-kita at nagkukwentuhan.  Noong umaga ng March 10, 1978, bago maganap ang aksidente, habang kami ay naghihintay ng sasakyang susundo sa amin papunta sa CAbog-Cabog para magmisa ay bigla niyang sinabi sa wikang Tagalog,  “ANO KAYA ANG MANGYAYARI BUKAS”?  iyon pala ay ang huli na naming pagsasama-sama.  Ipinagbilin pa niya kay Mrs. Sy na huwag niyang pababayaang walang ilaw ang  “Blessed Sacrament”.  Pinanahi pa niya si Mrs. Sy ng mga damit ng Sakristan para daw isuot sa March 15 kasi daw ay may sasalubungin ang mga taga Parang.

At noong gabi ng March 10 ay may sumundo sa kanya para magbigay ng recollection at magpakumpisal kinabukasan sa Balanga. Ganap na ika labing isa at kalahati ng gabi ay may tumatawag na sa mga Choir at kay Mrs. Sy at sinabing naaksidente daw si Fr. Diego sa Ala-uli sa Crossing, agad pumunta ang mga Choir at iba pang mga kasama sa nasabing pinangyarihan ng aksidente.  Subalit ng sila ay dumating sa lugar ay wala na si Fr. Diego at nasa punerarya na at inabutan nila ito na isa ng malaming na bangkay, para silang pinagsakluban ng langit at lupa sa kanilang nakita, wala na si Fr. Diego, wala ng lahat ang mga pangarap niya.  Noon lamang naisip ng mga taga Parang na palagi niyang kasama na ‘iyon palang mga sinasabi niya, ‘yong mga bilin niya ay huling habilin na at ‘yong mga damit na sacristan na ipinagawa niya na isusuot sa pagsalubong ay siya pala ang sasalubingin para iburol sa Parang.

Napakasakit para sa amin ang kanyang pagkawala, para kaming nawalan ng isang Ama.  Si Fr. Diego ay manatiling buhay sa aming mga puso at ala-ala.

At bilang pagwawakas nagpapasalamat kami kay Fr. Vito na siyang kasama ni Fr. Diego dito sa Parang noong sila ay unang pumunta at naging bahagi ng aming buhay. Salamat din sa mga kaibigan ni Fr. Diego na nakasama rin namin at naging kaibigan din namin kahit sa sandaling panahon lamang na sina:  Fr. Anthony,  Fr. Tiziano at Fr. Adamo.  At sa huli salamat sa pagbabalik ng mga Paring Rogayonista sa aming piling, nawa ay sama-sama nating matupad ang lahat ng mga pangarap ni Fr. Diego.

GOD BLESS YOU FR. DIEGO, WE LOVE YOU VERY MUCH! MAY YOU REST IN PEACE!

St. Francis Xavier Parish Religious Community